Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

Miyerkules, Agosto 26, 2009

Maligno




Maraming misteryo
ang bumabalot sa gobyerno.
Ano bang mga maligno
ang nananahan dito?

May mga malignong ‘di matahimik
hanggang ‘di naisasalin ang taglay na bagsik;
Sa eleksyon dapat manalo ang anak o kapatid.
Sila ang tinatawag na mga Amalanhig.

Marami ring namamahay na Aswang
Asal tao sa harap ng sambayanan
Hayok na halimaw pala sa kasakiman
Pumapatay sa bayang walang malay.

May mga mapaglaro ring Duwende
Sila ang nagdadala ng malas o suwerte
depende sa laman ng bigay na sobre
o sa halagang nakasulat sa tseke.

Meron ding magaling manlinlang
Bayan ay nililigaw sa katotohanan
Ginagawang mangmang ang mamamayan
Sila ang mga tusong Tikbalang.

Mga kababayan, hindi sila tinatablan
ng bawang, bulong, o pagbaliktad ng kasuotan.
Ang panlaban natin ay nagkakaisang mamamayan
Handang maglingkod nang tapat sa bayan.

Miyerkules, Agosto 19, 2009

Warm Up



Sa loob ng aking isipan,
may nagkalat na talaguhitan:
Umabot ba ang kita sa tudlaan?

Nahawi ang mga linya
sa paglabas ni Lady Gaga
na sumusunod sa kanyang sinisinta.

Di pa man nakakahabol ang babae
kinain na siya ng gutom na presidente
na ngumangasab pa ng mga mahal na putahe.

Habang ngumunguya ang pangahas
si Orlando ay biglang lumabas.
Bakit paggising niya, isa na siyang dilag?

Sa bawat kisap, nagbago ang imahe sa aking utak
nagliwaliw, sumirko-sirko at nagpakalat-kalat.
Ang aking utak ay parang mawawasak!

KA-BLAAAAAMMMM!!!

Sumabog nga ito na parang bomba
Tumilapon ang bawat linya
Napakanta ng Starstruck si Lady Gaga

Kumalat ang mga putahe ng presidente
Napatili si Orlado na ngayo’y isa ng babae
Nagcartwheel ang mga pasaway na imahe.

Nagtakbuhan silang pakalat-kalat
Iniwan akong wasak ang utak
Umaagos ang membrane, cells, dugo, at ugat.