Petsa: Ika-dalawa ng Abril, taong 2009
Mga Dumalo:
Mr. Y
Mrs. Y
R. S.
Pinag-usapan:
Makailang ulit umikot ang mga kamay ng relo
unti-unting naubos ang pizzang hinati sa walo
sa bawat pagkabawas, nagbahagi ang kasamang ginoo
isang ideolohiya mula simula hanggang dulo.
Unang Hiwa:
Nagsimula sa lipunang primitibo
O, kay tahimik na mundo!
Simple lamang ang pagtatalo
sa pagitan ng kalikasan at ng tao.
Ikalawang Hiwa:
Hindi naiwasan ang panloloko
ng mga taong sadyang pinanganak na tuso
nang-api sa walang kalaban-labang tao
nagkaroon tuloy ng alipin at ng amo.
Ikatlong Hiwa:
Hindi pa rin natapos ang pananamantala
ang pang-aapi ay lalong pang ngang lumala
mga magsasaka ay patuloy sa pagbabata
lakas paggawa, sinangla sa panginoong maylupa.
Ika-apat na Hiwa:
Sa ika-apat na yugto, pang-aapi’y di pa rin naglaho
mga tusong kapitalista, patuloy pa ring namuno
ang paboritong kutlo ng mapang-abusong tuso:
‘’Paikutin ang kanilang ulo nang manatili sa pwesto.’’
Ikalimang Hiwa:
Katotohanan ay biglang sumambulat
mga manggagawa ay biglang naging mulat
“Magkapit-kamay, humawak ng armas
upang matigil na ang kaapihang dinaranas.”
Ika-anim na Hiwa:
Mararating pa ba ang lipunang komunista?
Walang manggagawa, walang kapitalista
walang sinasamantala, walang nananamantala
may pagkapantay-pantay sa buong planeta.
Dalawang hiwa pa ng pizza
ang naiwan sa gitna ng mesa
wala nang naglakas loob pang kumuha
dahil bawat isa ay punong-puno na.
Punong-puno ng kaalaman
kaalaman tungkol sa kaapihan
kaapihan ng maliliit na mamamayan
mamamayang babangon para sa kinabukasan!