Ikalabing-anim ng Marso ang araw
Dalawang mangangatha ang naka-ulayaw
Magkakilanlan ang unang pakay
Ikalawa’y magpalitan ng mga pananaw.
Sa bawat pagtilamsik ng laway
Ilang hulagway ang nabigyang linaw
Kasabay ng paghigop ng mainit na sabaw
Mesa ay bumaha ng ideyang umaapaw.
(sandok... higop... lunok... sinop...)
Sandok ng mainit na sabaw sa tasa
Higop ng mga ideyang inilatag sa mesa
Lunok ng sabaw na kay sarap ng lasa
Sinop ng mga aral na nakuha sa kanila.
(sandok... higop... lunok... sinop...)
Tuloy-tuloy lumagatak ang kubyertos
Pagkain sa hapag ay tuluyan nang naubos
Ngunit ang mga kaalamang umaagos
Ay walang patid pa rin sa pagbuhos.
Dumating ang katapusan, napuno ang sisidlan
Ng mainit na sabaw sa aking tiyan,
Ng bagong kaalaman sa aking isipan,
At ng mga kaibigan sa aking listahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento