Minsan, nagtanim ako ng isang binhi ng galit
Araw-araw, dinilig ko ito ng ngitngit
Winisikan ko rin ng patabang himutok
Kaya ito’y sumibol sa kubling lupa ng poot.
Natuwa ako nang ito’y sumuloy
Ngunit naduwag ako nang ito’y yumabong
Kaya sinikap kong patayin ng pagpapasensya
Ngunit ang ugat yata’y bumaon na nang sobra.
Lumipas ang araw, ang galit ay nagsikip
Kaya gumapang ito palabas ng dibdib
Sumulong pa ito at umabot sa bibig
At doon sa dila’y namunga ng salitang masasakit.
Ang mga dahon nito’y tumakip sa tenga
Naging bingi sa paghingi n’ya ng dispensa
Nagsumiksik din ang sanga sa mga mata
Kaya hindi na nakita pa ang pagmamakaawa niya.
Nagdilim ang mata, nagsara ang tenga
Hindi na nalaman ang sumunod na istorya
Galit ay unti-unting nang nalanta
Hanggang sa mawala na,
dahil wala na rin siya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento