Wet the hair thoroughly.
Basain ang buhok.
Pabayaang umagos
Ang tubig mula tuktok
hanggang batok.
(Pahintulutang malunod
Mga sentimentong nagpupuyos.
Mga nagkukumawalang alingasngas
Payagan mong tumagas.)
Put a small amount of shampoo on your palm.
Ilagay ang likidong di kalaputan
Sa nanghihingi mong kamay.
Langhapin ang bangong nakalapat
Sa nakalahad mong palad.
(Ang mga alingasaw na naghuhumiyaw
mula sa umagas na mga agam-agam
ay piliting hadlangan ng bango sa’yong kamay
hayaang magbigay ng panandaliang kapayapaan.)
Apply the shampoo on your hair. Lather gently.
Ipahid ang likidong mabango
sa mga maiitim na hibla sa iyong ulo
himas-himasin ang bawat himaymay nito
hanggang mabalot ng bulang kay bango
(Marahang labnutin mga naiwang pangamba
Hagurin ang bawat himaymay ng pag-aalala
Piliting wala nang matira
Na maaaring gumambala sa’yong pag-iisa.)
Rinse thoroughly.
Banlawan ang buhok
Mula tuktok hanggang batok.
Siguraduhing walang maiiwang
Bula sa anit at saan mang sulok-sulok.
(Pakawalan ang mga negatibong bagay
Kasabay ng mga bulang bumabaybay
Pababa sa sahig na naghihintay
Hayaang sa agos ito ay matangay.)
Repeat if necessary.
(May natira pa rin bang mga latak?
Bakit ang luha ko’y tuloy pa rin sa pagpatak?
Sayang!
Ang bote ng shampoo ko’y wala ng laman
Uulitin ko sana ang nakasulat sa likod nitong paraan
sa tamang pashashampoo ng buhok kong magaspang.)
Budget Meal Ginisang Pechay With Tokwa at Tinapa, If Type Mo Ang Tinapa
Subokan Mo Ito
10 buwan ang nakalipas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento