Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

Huwebes, Mayo 21, 2009

Mga Awit ng Pagkasiphayo

Puwing
Umihip ang hanging pumukaw sa aking kamalayan
Umalimbukay ang natitining na alaala ng nakaraan
Gumiri-giri, umindak-indak sa aking harapan
Pumuwing sa mga mata kong sinikap kong takpan.

Mga alaala’y pilit na sumingit
Walang bisa ang ginawa kong pagpikit
Pumasok sa mga mata ang pilit na winawaglit
Kaya’t tumulo pa rin ang luhang kay pait.


Sugat
Ang puso ko ‘ata ay may sugat
Humahapdi pag nasaling ng alaala ng nakalipas
Kay sarap lagyan ng benda ng pangangarap
Na ako’y nasa bansang kung saan nagbuhat
Ngunit ang realidad ay sadyang kumakagat
Ang sugat ko tuloy tuluyang nagnanaknak.


Patid
Umalagwa ang damdaming pilit kong kinikimkim
Nagpatumbling-tumbling sa himpapawid ng paninimdim
Wala akong magawa kundi habulin ng tingin
Ang mga nagpasirko-sirkong lungkot sa papawirin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento