
Manunulat, huwag mong pahihintulutan
sa leeg ng panulat mo’y may sumakal.
Tinta’y ‘di makadadaloy nang maalwan
na magiging sanhi ng kanyang kamatayan.
Huwag na huwag mo ring papayagan
sa puso ng panulat mo’y may sumakmal.
Dadanak ang tinta, aagos sa kawalan
masasayang ang dulot niyang kabuluhan.
Lalong huwag mong pababayaan
maruming kamay sa papel mo’y dumangkal.
Kaputian niyang taglay ay madudungisan
kaya basurahan ang kanyang babagsakan.
Kapag nangyari ang kinatatakutan,
walang matitira sa iyo kinabukasan
kundi isang madilim na kahungkagan.
Itim na tintang kikilapol sa’yong pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento