Ayoko na magsulat, sinakal mo kasi ang aking panulat nang mahawakan mo ang kanyang leeg. Hindi tuloy malayang nakadaloy ang tinta niya. Naghihingalo na siya pero hindi ka pa rin bumitaw sa pagkakasakal sa kanya.
Ayoko na magsulat, bigla kasing bumuhos ang ulan nang mapatid ang kanyang paghinga. Nabasa tuloy ang sulatan ko at kumilapol ang tintang kanina lang ay maingat niyang iniluluwa nang ako pa ang may hawak sa kanya.
Ayoko na magsulat, lumabo na kasi at dumumi ang aking sulatan at patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ayoko na magsulat dahil pagkatapos ng lahat, alam kong wala nang matitira sa akin kung hindi ang kahungkagan sa aking harapan na kasing itim ng tintang kumalat sa aking sulatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento